Gawad CocoShare sa CLSU
(by Jack D Majik Dragon (CLSU Alumnus)  5/26/2013)


Mayo 22, 2013, eksakto alas 8:00 ng umaga, ang tipanan at oras ng paglalakbay tungo sa CLSU Nueva Ecija upang pormal na mag Lagdaan sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nina Kabukong Riza Matibag Muyot ng Cocofed Scholars Heritage Reform Foundation (CocoShare), at Dr. Ruben C. Sevilleja, Pangulo ng CLSU, hinggil sa pagtataguyod ng Gawad CocoShare Scholarship Grant para sa kasalukuyang S/Y 2013-2014.

Matulin at maayos ang kalsada kung kaya't matiwasay na nakarating sa CLSU ang pangkat ng CocoShare bago pa man dumating ang oras ng pananghalian.

Minarapat namin ni Riza na dumalaw muna kay Kabukong Ofero Caparino (CLSU Alumnus) na kasalukuyang isa sa punong abala ng kasalukuyang araw ng pagdiriwang sa Anibersaryo ng kanilang tanggapan sa PhilMech, na dating BPRE, na sa simula ay NAPHIRE.

Ang unang bungad na bati ni Kabukong Ofer ay kung kumain na kami, at mabilis ko namang sinagot na "malapit na". At nagkatutuo nga, pinakain agad kami ni Ofer. Nakatipid kami sa tanghalian na yon.

Maganda ang pag-ayon ng pagkakataon para sa CocoShare nung araw na yon, sapagkat nagkataong marami ding mga participants na mga Kabuko ang nakilala natin, at ang iba ay mga dating kasama sa industriya ng makinaryang pangsakahan na mga dumalo ang nakahalubilo din namin.

Alas 3:00 ang takdang oras ng MOA signing. Lumakad na ang CocoShare papasok sa bakuran ng CLSU.

Dumating ayon sa inaasahan ang mga Mag-aaral na Gagawaran ng Iskolaship kasama ang kani-kanilang mga Nanay na mga dating Cocofed Scholars.

Naihanda ni Kabuko Olive R. Salazar ang sipi ng MOA na plantsado pa. Kasama rin si Takris Sicat bilang staff assitant ng Office of the CLSU President at si Antonio Co "Jack D Majik Dragon" (CLSU Alumnus) naman ay tumatayo bilang isang dakilang Assitant Member ng CocoShare.

At nagkaharap na nga ang pasimuno ng CocoShare na si Riza Matibag Muyot na nagbigay puri sa CLSU bilang pandayan at daluyan ng samut-saring "Center for Excellence", at nagalak ang Pangulong Dr. Ruben C. Sevilleja sa tinuran ng una at bilang ganti, ay nagpasalamat sa pagkakapili sa CLSU sa paglalagak ng scholarship na sa ilang saglit na lamang ay papagtibayin na. Nagbigay payo rin ang Pangulo sa mga Gawad CocoShare Scholars na pahalagahan at alagaan ang kinang ng magandang tatak na pangalan na iniwan ng mga dating Cocofed Scholars, at sulyap-pansin din na sinang-ayunan ang angkop na pangalan ng Cocofed Scholars "HERITAGE"... bilang mga tagapagtaguyod ng PAMANA ng magandang adhikain.

Unang lumagda si Kabukong Riza, kasunod si Dr. R.S. Sevilleja.

At si Jack D Majik Dragon naman ang lumagda bilang star witness, at sa kabilang banda naman ay linagdaan ng tunay na Sicat na witness sa katauhan ni Takris.

Isinaayos na rin agad ni Riza ang garantiyang buwanang allowance ng 4 na nahirang na mga iskolar para sa kabuoang semestre at inilagay sa pamamanihala ni Kabukong Olive. Ang kabayaran sa matrikula para sa lahat ng Scholars ay agad dedeposituhan sa banko kapag naisaayos na ang listahan ng sisingilin ng Registrar.

Nagkaroon ng maayos na pagkakasunod-sunod na kuhanan ng letrato. Nakunan ang aktong paglalagda, pagkakamay at simbolikong pag-aabot ng mga papeles sa pagitan ng dalawang nagkasundo.

Sumunod ay ang lahatang kuha ng letrato.
Inuna mga matatanda muna, tapos mga bata naman, tapos kumbinasyon ng mga bata at magulang, hitsura ng pictyuran sa kasalan ang nangyari.

Nagkaroon din ng konting interview portion sa pagitan ng mga Scholars at CocoShare. Nagbigay si Riza ng mga theoritical na tanong, at mahilo-hilong sinagot ito ng mga bata. Kaya't naisipan ni Jack D Majik Dragon na ibato ang mga simpleng tanong, na agad namang nilapatan ng mga bata ng mabababaw na sagot. At doon ko nakita ang laki na pala ng ating "Generation Gap".

Sa pagtatapos ng opisyal na sadya ng CocoShare, nagpaunlak si Kabukong Melinda Fallurin at Olib na i-treat kami ni Riza sa pinakasikat na kantina sa buong CLSU na nasa tapat ng basketball court na madaling tandaan sa tawag na "Dacoco".

Si Ate Linda na ang umorder. dalawang bilao ng Pancit-bihon guisado Squid Ring, sangkatutak na Sandwich. Isang case na Coke Family size at isang timba ng yelo. At higit sa lahat, "candle lit" meryenda sa ilalim ng araw.


Kami ay kumain nang tila nagpa-Fandago sa Ilaw. Sinasabayan namin ng kumpas ang pagsasayawan ng napakaraming langaw na nagbabanggaan sa ere. At kung me ma-knock-out at nalaglag sa nakabukas na sandwich habang sinisilip mo ang palaman... sabay taklob nang hindi mo nakita, tiyak hindi ka magkakamali na malasahan ito na "sandwich de paminta".

Nakalibre na naman ang CocoShare sa gastusin sa meryenda.


Sumunod ay sinamahan kami nina Ate Linda at Olib sa Dairy Products store. Namakyaw si Riza ng mga gatas ng kalabaw.

Ako naman ay tama na ang dalawang supot ng sitsaron kalabaw para hindi naman masyadong mabigat ang bagahe ko. Nagkaroon din ng pagkakataon na kami ay dumalaw sa isang natatanging Henyo na anak din ng CLSU na si Elito Circa a.k.a. Amangpintor na unti-unti nang umuukit ng kanyang pangalan bilang "First Filipino Hair & Blood Folk Painter". Siya ang kasalukuyang Chairman ng CLSU Artist Club


Umakyat kami sa bubong ng kanyang bahay na binubongan uli na ginawa nyang studio. Nakita namin ang kanyang mga "Buhay na Obra". Pinasilip din sa amin ang mga kakaibang obra nina "Bawang Painter" Mark Laurence Libunao, at "Kalawang Painter" Ramon Lopez, na kapwa mga kasapi din ng CLSU Artist Club. Sila ay mga palasak nang mga panauhin ng ABS-CBN, GMA7 at TV5 tuwing may pagtatampok sa usaping Sining Pagpipinta.

Nagpamalas din si Bro. Tolits (Elito Circa) ng kanyang iba pang talento sa web design. Natuklasan din namin ang kanyang galing sa paglikha ng maikling pelikula, pagsusulat ng sanaysay at tula, pakikilahok at pagtulong sa usaping pamamalakad ng pamahalaan sa kanyang bayang tinubuan na Pantabangan. At pagsulong sa kultura na mapanatili at kilalanin ang mga "Laro ng Lahi" at Presidente pa ng kanilang Homeowners Association.

Natapos ang maikling oras ng mayabong na engkwentro na yaon at nang pababa na si Riza sa hagdan ay muntik ng mahulog dahil sya ay i-iling-iling pa sa kakaisip kung anong klaseng Henyo matatawag si Tolits sa dami ng nalalaman nito at hindi nya maubos itaktak ang laman ng utak nito.


Bumalik kami sa dating opisina ng NAPHIRE na pinalitan ng BPRE na naging Philmech at di ko na alam kung ano ang magiging sunod na pangalan. Nandun pa rin si Ofer at naghihintay sa amin. Pinapirma kami sa listahan upang makasali sa raffle.

Inilabas i Ofer ang naisafety nyang naka-styro-pack dinnerfoods. Dinagdagan ng litson, pinainom kami ng mineral water at san mig in can. Nakikinig sa banda, nanonood ng palabas, at higit sa lahat ... nag-aabang, umaasam, na manalo sa raffle para may maipandagdag sa pondo ng Gawad CocoShare Scholarship Grant.


Nakita ko sa unahan ang tambak na nakabalot na mga kahon at dinig ko,
me ipararaffle na Kubota Engine (Hindi kasali ang model)

Nakita ko rin ang papaubos ng mga kahon pero hindi pa rin kami natatawag. Nagtataka rin ako kung bakit ang lalaki ng kahon pero parang hindi naman mabigat. Panay Electric fan at Oven Toaster pala ang mga laman. Nasaan ang Kubota Engine?
At bigla, nakita ko ang logo ng Kubota, iniaabot sa akin... isang cap na may logo ng Kubota.

Maganda, maamo, makabuluhan at mapagpala ang araw na yun. Maayos na naisakatuparan ang simulain ng isa sa mga mahahalagang misyon na magbibigay saysay sa pagsasama-sama natin sa ilalim ng adhikain ng Cocofed Heritage Reform Foundation.

Eksakto Alas 2:00 ng madaling araw nagkahiwalay sina Riza at Jack D Majik Dragon bandang Q.C.. Yan ang makabuluhang nangyari sa buhay ng mga taong naniniwala sa adhikain ng CocoShare - sa loob ng labing-anim na oras.



See more Articles
(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});